
Dumarami ang mga estudyante at graduate na Pilipino na naghahanap ng oportunidad sa ibang bansa matapos ang kanilang pag-aaral.
Sa forum na ginanap sa University of the Philippines Diliman, tinalakay ng mga edukador at eksperto ang patuloy na pag-alis ng mga propesyunal at bagong graduate dahil sa kakulangan ng oportunidad at trabaho sa bansa.
Ayon kay UP professor Giovanni Tapang, maraming graduate ang napo-produce ng sistema ng edukasyon ngunit hindi sapat ang kakayahan ng ekonomiya upang mabigyan sila ng trabaho at oportunidad sa Pilipinas.
Lumabas din sa talakayan na hindi sapat ang mahusay na edukasyon kung kulang naman ang industriyang mapapasukan ng mga nagtapos.
Binigyang-diin ng mga opisyal ng UP at Commission on Higher Education o CHED na layunin ng edukasyon na makalikha ng mga kritikal mag-isip, mahusay makipagkomunikasyon, at responsableng mamamayan.
Gayunman, para sa maraming kabataang Pilipino, mas nakikita nila ang mas magandang oportunidad at kinabukasan sa ibang bansa.
Kasabay nito, muling umigting ang usapin kaugnay sa pagbabawas ng General Education subjects sa kolehiyo at ang mas malalim na problema ng kakulangan sa trabaho at industriyalisasyon sa bansa.




