Nag-plead guilty ang isang Filipino green card holder sa pagpapadala ng bayad sa ISIS at pag-iingat ng homemade bomb sa loob ng kanyang bahay.

Nagpasok ng kanyang plea si Mark Villanueva, 29 anyos, sa downtown Los Angeles sa isang bilang ng pagtatangka na magbigay ng material support sa foreign terrorist organization at isang bilang ng pagiging felon sa pag-iingat ng armas na homemade bomb.

Nakatakda ang paggawad ng hatol sa June 17, kung saan sa nasabing petsa, si Villanueva na isang legal na permanent resident mula sa Pilipinas, ay posibleng makulong ng hanggang 35 taon, ayon sa US Department of Justice.

Batay sa mga inihaing mga dokumento sa LA federal court, nakasaad na nakipag-ugnayan si Villanueva sa pamamagitan ng social media sa dalawang tao na nagpakilala na fighters ng Islamic State of Iraq and Syria.

Sa kanyang mga mensahe, tinalakay ni Villanueva ang kanyang pagnanais na suportahan ang terrorist organization, at nag-alok na magbigay ng pera para suportahan ang kanilang mga aktibidad.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa DOJ, sinabi ni Villanueva sa isa sa self-identified ISIS fighters na gusto niyang lumaban para sa ISIS, at sinabi pang isang karangalan na makipaglaban at mamamatay para sa kanilang paniniwala.

Sinabi naman niya sa isa pang indibidual na mayroon siyang itinatago na bomba at mga patalim.

Matatandaan na sa pag-aresto kay Villanueva noong August 1, 2025, nakakuha ang FBI ng improvised explosive device sa kanyang silid.