Patuloy na umiigting ang tensyon sa Strait of Hormuz matapos muling maulat ang mga pag-atake sa mga barko sa isa sa pinakamahalagang daluyan ng langis sa mundo, kasabay ng diplomatikong pag-uusap ng US at China tungkol sa Iran.

Sa Beijing, tinalakay nina US President Donald Trump at Chinese President Xi Jinping ang sitwasyon sa Iran, kung saan iginiit ng dalawang panig ang kahalagahan ng pagbubukas ng strait at pagpigil sa pagkalat ng nuclear weapons.

Habang nasa diplomatikong antas ang usapan, muling sumiklab ang insidente sa dagat nang tamaan at lumubog ang isang cargo ship na may kargang hayop mula Africa patungong United Arab Emirates sa baybayin ng Oman.

Samantala, nai-rescue ang 14 na tripulante ng barko.

Itinuturing ng mga maritime security experts ang serye ng pag-atake bilang senyales ng lumalalang panganib sa global shipping at posibleng epekto sa presyo ng langis at pandaigdigang kalakalan.

-- ADVERTISEMENT --