Nakarating na sa Benham Rise o mas kilala ngayon bilang Philippine Rise ang mga Pilipinong siyentista na magsasagawa ng pananaliksik sa lugar matapos ang dalawang araw na biyahe mula Aparri, Cagayan nitong Semana Santa.

Sakay ng Research Vessell o RV Hart Tide ang mga researchers ay sinamahan sila at binigyang seguridad ng barko ng Philippine Coast Guard na BRP Malapascua.

Ayon kay CG Ensign Ryan Joe Arellano, tagapagsalita ng CoastGuard District NorthEastern Luzon, magsasagawa ng maritime research ang mga mananaliksik ng bansa kaugnay sa likas na yaman ng Pilipinas sa Philippine Rise na pinaniniwalaang sagana sa aquatic resources, minerals at gas deposits.

Gayunman, hindi pa masabi kung kailan tatagal ang gagawing pananaliksik ng mga scientists sa Benham Rise na nasa silangan ng lalawigan ng Isabela.

Bukod sa pagbibigay seguridad, misyon rin ng BRP Malapascua na magpatrolya sa bisinidad ng naturang katubigan upang magsagawa ng maritime domain awareness, paigtingin ang presensiya ng coast guard sa North Eastern Luzon at imonitor ang mga lokal na mangingisda.

-- ADVERTISEMENT --

Kasabay nito, sinabi ni Arellano na walang namamataang foreign vessels sa Benham Rise na kung matatandaan nitong nakalipas na buwan ng Marso ay dalawang Chinese research vessels ang namataan sa naturang lugar.