Isang Filipino na may green card ang ipinatapon mula sa United States, habang isang Filipina nurse naman ang inaresto at dinetine ng immigration authorities sa gitna ng pinaigting na pagpapatupad ng immigration laws sa bansa.

Sa California, ipinatapon noong Agosto 18 ang Filipino na mahigit dalawang dekada nang naninirahan sa US matapos maglabas ng final order of removal ang isang immigration judge noong Hulyo 2.

Ayon sa US Department of Homeland Security, miyembro umano siya ng Asian Boys gang at may mga naging hatol sa California kaugnay ng voluntary manslaughter, aggravated assault gamit ang baril at possession ng controlled substance.

Nagsimula siyang manirahan sa US bilang lawful permanent resident noong Abril 2004.

Samantala, isang Filipina nurse naman ang inaresto ng federal immigration agents sa Phoenix Sky Harbor International Airport sa Arizona.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa kanyang pamilya at boyfriend, wala siyang criminal record at mayroon siyang valid work permit. Legal din umano siyang nagtatrabaho bilang nurse sa isang ospital sa Phoenix bago siya isinailalim sa kustodiya ng US Immigration and Customs Enforcement o ICE.

Nakatakda naman sa Setyembre 4 ang court hearing para sa kanyang immigration case.