
Hinatulan na makulong ng 20 taon lamang ang isang retiradong French surgeon na inakusahan ng rape at sexual assault sa kanyang mga pasyente, karamihan ay mga bata sa loob ng mahigit dalawang dekada.
Ito ang itinuturing na pinakamalalang child abuse case na dumaan sa paglilitis.
Inakusahan si Joel Le Scouarnec, 74-anyos ng aggravated rape o sexual assault sa 299 na biktima, kabilang ang panggagahasa sa mga bata na tinurukan ng anaesthesia o bago lang nagkamalay matapos ang operasyon.
Kabilang sa kanyang mga naging biktima ay 256 na wala pang 15-anyos.
Inamin ng doktor sa korte na gumawa siya ng kahalayan sa loob ng 25 taon habang nagtatrabaho bilang isang doktor sa western France.
Nagulantang ang France sa naging rebelasyon ng nasabing doktor, at marami ang nagtaka kung bakit napayagan siya na patakbuhin ang isang healthcare system at tila binalewala ang mga ginawa niyang sexual abuse sa kanyang mga pasyente.
Emosyonal naman sinabi ni Presiding Judge Aude Buresi na ginawa ng doktor ang kahalayan sa kanyang mga pasyente habang sila ay walang kalaban-laban, kabilang kung ang mga ito ay nasa ilalim ng anaesthesia.
Sinabihan pa ng judge ang doktor na ang kanyang mga ginawa ay isang blind spot sa medical world, na maging ang kanyang mga katrabaho, medical authorities, ay hindi nagawa na pigilan ang kanyang kahayupan.
Pinasisilbihan na ni Le Scouarnec ang kanyang hatol na pagkakakulong sa mga unang kaso ng rape.
Noong 2020, hinatulan siya ng 15 taon na pagkakakulong dahil sa rape at sexual assault sa isang bata na kanyang kapitbahay, maging ang dalawa niyang pamangkin at apat na taong gulang na pasyente.
Sa paglilitis, sinabi ni Le Scouarnec na alam niya na ang sugat na iniwan niya sa mga biktima at sa kanilang pamilya ay walang kapatawaran, subalit umaasa pa rin siya na mapapatawad siya ng kanyang mga naging biktima.
Sinabi naman ng abogado ng doktor na walang balak na maghain ng apela ang kanyang kliyente.
Kaugnay nito, sinabi ng judge na nauunawaan niya na umaasa ang mga biktima na hindi na makakalabas ng kulungan ang doktor, subalit hindi siya pinapahintulutan ng kanilang batas na magpataw ng habang-buhay na pagkakabilanggo.
Dahil dito, sinabi ng ilang biktima na kailangan na baguhin ng France ang kanilang mga batas upang ang mga repeat offenders na katulad ng nasabing doktor ay hindi na makakalaya pa at mabulok sa kulungan.