Hinimok ni Senate President Sherwin Gatchalian ang pamahalaan na tugunan ang kakulangan ng mental health professionals sa bansa upang mapalawak ang access sa mental health services sa mga paaralan at komunidad.

Ayon kay Gatchalian, makatutulong ang plano ng Department of Health (DOH) na sanayin ang mga healthcare worker para makapagbigay ng paunang mental health interventions habang pinapalakas ang produksyon ng mga bagong graduate na maaaring maging mental health professionals.

Sinabi ng senador na naaayon ito sa Republic Act No. 12089 o Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act, na nag-aatas sa institutionalization ng mental health programs at services sa lahat ng basic education institutions.

Kasunod ito ng mga nakamamatay na insidente ng pamamaril sa mga paaralan, kabilang ang insidente sa Ateneo de Zamboanga University High School na ikinasawi ng dalawang estudyante, kabilang ang Grade 8 student na sinabing gunman.

Samantala, sinabi ng Department of Education (DepEd) na kailangan nitong makapag-hire ng 48,000 school counselor associates sa buong bansa. Gayunman, 10,000 posisyon lamang ang kasalukuyang saklaw ng 2026 budget.

-- ADVERTISEMENT --

Target ng DepEd na magkaroon ng tig-isang school counselor associate sa bawat paaralan upang mapalakas ang mental health at psychosocial support para sa mga mag-aaral.