Patay ang isang 34-anyos na guro matapos siyang barilin umano ng kaniyang estudyante na Grade 11 student sa Balabagan, Lanao del Sur.

May galit umano ang suspek sa nasabing guro dahil sa binigyan siya ng bagsak na grado.

Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang estudyante matapos na kusang sumuko sa mga pulis.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na naglalakad ang biktima papasok sa eskuwelahan noong Agosto 4 nang barilin siya ng estudyante gamit ang kalibre .45 na baril.

Nagtamo ng tama ng bala sa likod ng ulo ang biktima na dahilan ng kaniyang pagkasawi.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa pulisya, ang galit ng estudyante ay matapos na hindi siya maka-enroll ng grade 12 nang malaman niya may mga bagsak siyang subjects.

Nagkausap naman umano ang estudyante at guro, subalit posibleng hindi sila nagkaintindihan, kaya inabangan ng suspek ang biktima sa pagpasok niya sa paaralan.

Matapos gawin ang krimen, nagtungo sa mga kamag-anak sa bayan ng Marogong ang biktima para doon magtago.

Kinalaunan, sumuko sa mga awtoridad ang suspek sa tulong ng kaniyang kapatid na isang pulis.

Nasa kustodiya ng Balabagan Municipal Police Station ang estudyante habang hinihintay ang commitment order mula sa korte matapos na sampahan siya ng kasong murder.