Nagsumite ng kani-kanilang counter-affidavits sa Department of Justice o DOJ sina dating AnaKalusugan party-list Representative Mike Defensor, social media personality Jay Sonza, at 18 dating Marines at sundalo kaugnay ng mga reklamong isinampa laban sa kanila.

May kaugnayan ang mga reklamo sa alegasyon ng mga dating sundalo na naghatid umano sila ng pera sa ilang opisyal at personalidad kabilang si dating Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co.

Ayon kay Defensor, tinanggap ng DOJ ang kanilang sagot sa complaint-affidavit at binigyan din ng pagkakataon ang mga complainant na magsumite ng reply-affidavit.

Kabilang sa naghain ng reklamo laban sa 18 dating sundalo sina dating Senador Antonio Trillanes IV, National Security Adviser Eduardo Año, ML party-list Representative Leila de Lima, si Fr. Flavie Villanueva, at Bureau of Corrections Director General Gregorio Catapang Jr..

Naghain naman si Trillanes ng cyberlibel complaint laban kina Defensor at Sonza habang reklamo naman para sa unlawful use of means of publication o unlawful utterances ang isinampa ni Año laban kay Defensor.

-- ADVERTISEMENT --

Iginiit ni Defensor na hindi siya titigil sa pagsasalita tungkol sa umano’y katiwalian at hinamon pa nito ang Senado at Kamara na imbitahan sa pagdinig ang 18 dating Marines.

Samantala, sinabi ni Sonza na trabaho lamang niya ang iulat ang alegasyon ng mga dating sundalo at naniniwala siyang pagbabatayan ng DOJ ang merito ng mga ebidensiyang ihaharap.

Ayon naman sa abogado ng mga dating sundalo na si Levito Baligod, nagsumite rin ng counter-affidavits ang lahat ng 18 dating Marines.

Sinabi ni Baligod na may apat pa silang bagong testigo na umano’y naghatid din ng pera mula kay Co, ngunit hindi pa muna isinama ang kanilang mga affidavit habang hinihintay ang susunod na hakbang ng mga complainant.