
Pinabulaanan ng Malacañang ang pahayag ni Davao City First District Representative Paolo Duterte na umano’y walang natatanggap na suporta o pondo ang Davao City mula sa pambansang pamahalaan mula nang maupo ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr..
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi totoo ang sinasabing zero budget umano ang Davao City sa nakalipas na apat na taon.
Batay aniya sa datos ng Department of Budget and Management o DBM, nakatanggap ang Davao City ng hindi bababa sa P7.856 bilyon mula sa national government para sa iba’t ibang programa at proyekto.
Sinabi rin ni Castro na kabilang ang Davao City sa mga lugar na patuloy na inaalagaan at sinusuportahan ng administrasyon.
Kasama sa naturang halaga ang national tax allotment o bahagi ng mga local government unit sa pambansang buwis na awtomatikong ipinagkakaloob sa mga lungsod at lalawigan alinsunod sa Konstitusyon.




