Nakabawi ang halaga ng piso kontra dolyar ng Amerika matapos lumakas ng 11 sentimos at magsara sa P63.74 kada dolyar sa pagtatapos ng kalakalan nitong Biyernes, Oktubre 30.
Mas mataas ito kumpara sa P63.85 kada dolyar na naitala noong Huwebes.
Nagbukas ang piso sa P63.67 kada dolyar at umabot sa pinakamataas na halaga na P63.61 at pinakamababang halaga na P63.77 sa buong araw ng kalakalan.
Ayon kay Rizal Commercial Banking Corporation Chief Economist Michael Ricafort, nakatulong sa pagbangon ng piso ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gagawin ng pamahalaan ang lahat ng makakaya upang pigilan ang patuloy na paghina ng lokal na pera.
Matatandaang muling nagtala ng pinakamababang halaga ang piso nitong Miyerkules matapos umabot sa P64 kada dolyar.
Bukod dito, kabilang din sa mga nakatulong sa paglakas ng piso ang paghahanda ng publiko para sa mahabang weekend ng Undas at ang inaasahang pagpapalit sa piso ng mga padalang pera ng overseas Filipino workers o OFWs para sa kanilang pamilya at gastusin sa holiday season.










