
Makakaranas ng pag-ulan ang karamihan ng mga lugar sa Luzon dahil sa southwest monsoon o habagat, ayon sa PAGASA nitong Miyerkoles, Hunyo 3.
Inaasahan ang paminsan-minsang pag-ulan sa Metro Manila at ilang lalawigan kabilang ang Pangasinan, Zambales, Bataan, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Cavite, Batangas, Occidental Mindoro, at Palawan.
Magdudulot din umano ang habagat ng kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, at natitirang bahagi ng Ilocos Region, Central Luzon, Calabarzon, at Mimaropa.
Nagbabala ang PAGASA na maaaring magdulot ang katamtaman hanggang malakas na ulan ng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga apektadong lugar.
Samantala, mino-monitor din ng ahensya ang isang low pressure area (LPA) sa labas ng Philippine Area of Responsibility na nasa hilagang-kanluran ng Pag-asa Island, Palawan, ngunit mababa pa ang tsansang maging bagyo ito sa loob ng susunod na 24 oras.










