Tiniyak ng Malacañang na maagap na pinaghahandaan ng pamahalaan ang posibleng epekto ng Super El Niño sa buong bansa, partikular sa Cagayan Valley na makararanas ng matinding tagtuyot.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, namahagi na ang pamahalaan noong Hunyo 23, 2026 ng mga irrigation pipe at makinaryang pansakahan sa mga komunidad ng mga magsasaka sa lalawigan upang mapabuti ang sistema ng irigasyon bilang paghahanda sa matinding tagtuyot.

Dagdag pa ni Castro, naglaan din ang pamahalaan ng p20 milyon para sa pagbili ng solar-powered water pumps na makatutulong sa mga magsasaka na magkaroon ng alternatibong suplay ng tubig para sa kanilang mga pananim.

Samantala, naglaan naman ang Department of Agriculture ng karagdagang P17.9 milyon para sa mga farm inputs upang higit na mapalakas ang kahandaan ng sektor ng agrikultura sa posibleng epekto ng Super El Niño.

Binigyang-diin ni Castro na seryosong tinutugunan ng pamahalaan ang banta ng Super El Niño sa pamamagitan ng maagap na paghahanda at mga programang naglalayong mabawasan ang epekto nito, lalo na sa mga magsasaka at komunidad na higit na maaapektuhan ng tagtuyot.

-- ADVERTISEMENT --