
Patuloy na nakaaapekto ang southwest monsoon o habagat sa malaking bahagi ng Northern at Central Luzon, ayon sa PAGASA.
Bagama’t inaasahang bahagyang hihina ito sa mga susunod na araw, magdadala pa rin ang habagat ng mga pag-ulan sa ilang lugar.
Sa Ilocos Norte at Ilocos Sur, inaasahan ang paminsan-minsang pag-ulan na maaaring magdulot ng flash floods at landslides, lalo na sa mga mabababang lugar at bulubundukin.
Maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms naman ang mararanasan sa Metro Manila, Cordillera Administrative Region, Pampanga, Bataan, Tarlac, Bulacan, Rizal, Cavite, Batangas, at iba pang bahagi ng Ilocos Region.
Samantala, wala namang inaasahang mabubuong low pressure area o papasok na bagyo sa Philippine Area of Responsibility sa mga susunod na araw.
Pinapayuhan ng PAGASA ang publiko na manatiling alerto dahil maaari pa ring magdulot ng biglaang pagbaha at pagguho ng lupa ang malalakas na thunderstorms kahit humihina na ang epekto ng habagat.










