
Inaasahang magtitipon ang mahigit isang daang taga-suporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa harap ng International Criminal Court (ICC) bukas, Pebrero 23, kasabay ng pormal na pagsisimula ng confirmation of charges hearing.
Ayon kay Lucky Charm, Bombo International News Correspondent sa The Hague, Netherlands, ang mga lalahok ay magmumula pa sa iba’t ibang panig ng Europa kabilang ang Belgium, Germany, France, Vienna, England at mga karatig-bansa.
Sinabi ni Charm na bagaman magiging hamon ang maulan at napakalamig na panahon sa The Hague, hindi ito magiging hadlang sa mga supporter upang ipakita ang kanilang pagtindig para sa dating lider.
Gayunpaman, binigyang-diin ni Charm na may mga limitasyong ipinataw sa ilalim ng kanilang permit.
Aniya, nililimitahan ng mga awtoridad ang mga pagkilos gaya ng pagsigaw o maingay na protesta.
Dagdag pa rito, nasa high alert ang seguridad sa loob ng ICC. Mahigpit na ipinagbabawal ang pagpapasok ng mga cellphone, camera, at anumang kagamitan sa pagkuha ng litrato o video sa loob ng courtroom.
Kinumpirma rin ni Charm na nananatiling limitado ang akses sa dating pangulo simula nang ito ay ma-detain sa The Hague. Tanging ang pamilya at mga legal counsel lamang ang pinahihintulutang bumisita sa kaniya.
Inaasahang magtatagal ng 60 araw ang pagsusuri sa mga ilalatag na ebidensya bago maglabas ng desisyon ang korte.
Sa kabila ng mabigat na proseso, umaasa ang kampo ng mga DDS supporters na magkakaroon ng positibong resulta ang pagdinig na pabor sa dating Pangulo.










