Pinayuhan ng isang ekonomista ang publiko na huwag agad asahan ang epekto ng pagtaas ng halaga ng piso laban sa dolyar, lalo na sa presyo ng langis at iba pang bilihin.

Lumakas ang piso kasunod ng balita ng dalawang linggong tigil-putukan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, ngunit ayon kay Professor Emmanuel Leyco, hindi agad bumababa ang presyo ng mga produkto dahil nakabatay ang presyo sa kasalukuyang halaga sa pandaigdigang merkado at hindi sa dating presyo ng bili.

Sa kabila nito, sinabing positibo pa rin sa ekonomiya ang mas malakas na piso dahil mas nagiging mura ang mga inaangkat na produkto tulad ng langis, pagkain, at hilaw na materyales, na maaaring makatulong sa pagbaba ng inflation sa paglipas ng panahon.

Gayunman, maaaring hindi ito pabor sa mga may hawak ng dolyar, kabilang ang mga overseas Filipino workers, dahil mas mababa ang katumbas na piso kapag nagpapalit ng dolyar.