
Pinuri ng isang opisyal ng US Department of War ang mga hakbang ng Pilipinas sa pagpapalakas at modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines at Philippine Coast Guard.
Ayon kay Undersecretary Elbridge Colby, hindi “one-sided” ang alyansa ng Pilipinas at Estados Unidos dahil mas aktibo na umano ang bansa sa sariling depensa at mas malaki ang inilalagak na pondo para sa modernisasyon ng militar at coast guard.
Sinabi ni Colby na kabilang sa suporta ng US ang co-investment sa resilient infrastructure, pagsasanay sa makabagong kakayahan at paggamit sa mga Enhanced Defense Cooperation Agreement sites.
Binanggit din niya ang rotational deployment ng apat na US Coast Guard Fast Response Cutters bilang suporta sa Philippine Coast Guard sa pagpapatrolya at pagprotekta sa Exclusive Economic Zone ng bansa.
Giit ni Colby, layunin ng mas pinatibay na alyansa na magkaroon ang dalawang bansa ng kinakailangang kakayahan upang mapigilan ang anumang agresyon.




