Maaaring bahagi ng legal strategy ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-waive nito sa kanyang pagdalo sa unang status conference ng kanyang kasong crimes against humanity sa International Criminal Court.

Ito ang pananaw ni ICC assistant to counsel na si Atty. Christina Conti sa panayam sa programang Unang Balita nitong Miyerkules.

Ayon kay Conti, hindi pa nakikita sa publiko si Duterte simula noong Marso kaya lalo umanong dumarami ang espekulasyon tungkol sa kalagayan nito.

Sinabi rin ni Conti na posibleng bahagi ng depensa ng dating pangulo ang ipakita na humihina na ito at nahihirapan habang nasa detention facility.

Gayunman, ipinaliwanag ni Conti na sa ilalim ng Rome Statute, kinakailangang humarap ang akusado sa mismong paglilitis, bagamat maaari pa ring ikonsidera ng korte ang makatwirang dahilan ng pagliban.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya, maaari pa ring obligahing dumalo si Duterte sa mahahalagang yugto ng proseso kabilang ang pagbasa ng mga sakdal at pagpasok ng plea.

Inaasahang tatalakayin sa unang status conference ang trial schedule, mga testigo, presentasyon ng ebidensya, wikang gagamitin sa korte, at mga hakbang para sa proteksyon ng mga biktima at testigo.

Pormal na isinuko ni Duterte ang kanyang karapatang dumalo sa unang status conference na itinakda ngayong Mayo 27.

Isinumite naman ni abogado Peter Haynes sa ICC Trial Chamber III noong Mayo 25 ang pirmadong waiver ng 81-anyos na dating pangulo.