
Naglaan ang mga miyembro ng House of Representatives ng P9.25 milyong halaga ng tulong para sa mga biktima ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Sarangani at mga karatig-probinsiya sa Mindanao.
Ayon kay Akbayan Party-list Representative at House Assistant Minority Leader Chel Diokno, ang pondo ay nagmula sa 139 na mambabatas, kabilang ang mga House prosecutors sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Diokno na patunay ito na hindi napapabayaan ng mga mambabatas ang kanilang tungkulin na tumulong sa mga naapektuhan ng kalamidad habang ginagampanan din ang iba pa nilang responsibilidad.
Samantala, nagtungo sa General Santos City at Sarangani si House Speaker Faustino “Bojie” Dy III upang personal na suriin ang pinsalang dulot ng lindol.
Sa kanyang pagbisita, tiniyak ni Speaker Dy na sasagutin ng Kamara ang gastusing medikal ng lahat ng nasugatan dahil sa lindol, maging sa mga pampubliko o pribadong ospital nagpapagamot.
Nangako rin ang liderato ng Kamara ng karagdagang tulong upang mapabilis ang pagbangon ng mga apektadong pamilya at komunidad.










