Inaprubahan ng House of Representatives ang panukalang P975.96-bilyong budget ng Department of Education o DepEd para sa taong 2027.

Katumbas ito ng 13.55% ng kabuuang panukalang national budget para sa susunod na taon at nananatiling pinakamalaking alokasyon sa isang ahensya ng pamahalaan.

Kabilang sa pangunahing laman ng DepEd budget ang government assistance and subsidies na nagkakahalaga ng P38.12 bilyon at P12.09 bilyon para sa expanded career progression program ng mga guro.

Samantala, P11.4 bilyon ang inilaan para sa School-Based Feeding Program o SBFP, na mas mababa kumpara sa P25.7 bilyong pondo nito ngayong 2026.

Dahil sa bawas pondo, sinabi ng House Appropriations Committee na mababawasan mula 180 araw tungo sa 120 araw ang implementasyon ng feeding program at pangunahing tututok sa mga kindergarten learner.

-- ADVERTISEMENT --

Gayunman, hindi pa pinal ang naturang budget dahil daraan pa ito sa bicameral conference committee ng Kamara at Senado bago maisabatas ang 2027 General Appropriations Act.