
Nasa 49 porsiyento pa lamang ng humigit-kumulang 47,000 pampublikong paaralan sa bansa ang may nakakabit na CCTV cameras, ayon sa Department of Education o DepEd.
Ayon kay DepEd Assistant Secretary Roger Masapol, mula sa 36 porsiyento noong Hunyo, tumaas sa 49 porsiyento ang bilang ng mga paaralang may CCTV kasunod ng panibagong pagsusuri sa seguridad.
Target ng ahensya na magkaroon ng CCTV cameras ang lahat ng pampublikong paaralan pagsapit ng 2028.
Inirerekomenda ng DepEd ang lima hanggang 10 CCTV cameras para sa mga paaralang may hanggang 500 estudyante, 10 hanggang 15 para sa may 501 hanggang 1,000 estudyante, at hindi bababa sa 20 para sa mga paaralang may mahigit 1,000 estudyante.
Samantala, binigyang-diin ng National Youth Commission na hindi sapat ang mga bakod, metal detector at security guard upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral.
Kailangan ding palakasin ang mental health support, pagtugon sa bullying at mga programa sa proteksyon ng kabataan.
Target din ng DepEd na mapunan ang 10,000 posisyon para sa guidance counselors bago matapos ang taon.










