
Papalawakin ng Department of Education (DepEd) at Department of the Interior and Local Government (DILG) ang papel ng mga barangay tanod sa pagbabantay sa paligid ng mga paaralan sa buong bansa upang mapalakas ang seguridad ng mga mag-aaral.
Ito ay kasunod ng paglagda ng dalawang ahensya sa isang memorandum of agreement nitong Miyerkules, Oktubre 14, na naglalayong mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa mga paaralan.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, hindi sa loob ng mga paaralan itatalaga ang mga tanod, kundi sa mga karatig-lugar upang mabantayan ang mga posibleng kahinaan sa seguridad.
Kasabay nito, ipinagpapatuloy ng DepEd ang pagkuha ng mga school guidance counselor, kung saan 5,300 na ang na-hire habang mahigit 4,000 pa ang sumasailalim sa pagproseso ng kanilang mga dokumento.
Iniiwasan din ng ahensya ang mga school safety drill na gumagamit ng makatotohanang pagsasadula ng pag-atake upang hindi magdulot ng takot o trauma sa mga estudyante.










