
Nababahala ang House prosecution panel sa naisiwalat ni Senator-Judge Risa Hontiveros ukol sa Chinese state-owned enterprises na naghatid umano ng inward remittances sa Cale88 Foods Corporation na iniuugnay sa mag-asawang Vice President Sara Duterte at Atty. Manases Carpio.
Sa press conference, sinabi ni House Deputy Speaker Paolo Ortega V na nakakaalarma na ilang kumpanya na pag-aari ng Chinese government at Communist Party structures ang nagbigay ng pera kina VP Sara.
Kabilang sa mga ito ang Xinjiang Food Industry Group.
Punto ni Ortega, maaaring ginagapang na ang bansa nang pailalim kaya mahalagang matanong kung saan nagamit ang pera.
Iginiit din ni House Impeachment Adviser Robert Ace Barbers na dapat imbestigahan ang mga transaksyon lalo’t maaaring mayroon itong constitutional issue.
Ipinagbabawal aniya ng Konstitusyon na tumanggap ng pondo ang public officials mula sa foreign governments.
May hamon naman si Barbers sa tagapagsalita ni VP Sara na si Atty. Paolo Panelo matapos nitong ihayag na hindi awtomatikong nangangahulugan na suportado ng Chinese government si Duterte dahil paano kung ang pondo ay ginamit sa pagpapatayo ng classrooms.
Sabi ni Barbers, wala namang sinasabi ang prosekusyon na awtomatikong ilegal ang natanggap kaya kung nabigyan ng donasyon ang Tapang at Malasakit Foundation, dapat sagutin ni Panelo kung saan naitayo ang classrooms, ilang piraso at kailan ito nagawa.









