
Ikinatuwa ng House prosecution panel ang desisyon ng Senate impeachment court na maglabas ng subpoena para sa bank records, Anti-Money Laundering Council (AMLC) reports, at tax records ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio.
Ayon sa prosekusyon, malaking hakbang ang naturang desisyon dahil maaari itong magbigay ng mga dokumentong mahalaga sa pagtalakay sa alegasyon ng umano’y unexplained wealth na nakasaad sa Articles of Impeachment.
Sa ikapitong araw ng impeachment trial, sinabi ni Senate President at presiding officer Francis “Chiz” Escudero na natugunan ng mga hinihinging dokumento ang mga rekisito ng impeachment proceedings dahil malinaw ang pagkakatukoy sa mga ito at may paunang kaugnayan sa mga alegasyon sa kaso.
Kasama sa ipinag-utos na ilabas ang mga rekord ng 19 na corporate entities na iniuugnay kay Duterte at sa kanyang asawa batay sa kanilang General Information Sheets, Articles of Partnership, at Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) mula 2022 hanggang 2025.
Una nang tinutulan ng kampo ni Duterte ang pagpapalabas ng mga naturang rekord at iginiit na isa itong “fishing expedition” at paglabag sa due process.
Gayunman, ipinasiya ng impeachment court na maaaring ilabas ang mga dokumento para sa layunin ng paglilitis.
Nilinaw rin ng hukuman na ang pagpapalabas ng mga rekord ay hindi nangangahulugang awtomatiko itong tatanggapin bilang ebidensiya, dahil kailangan pa ring patunayan ng prosekusyon ang kaugnayan ng mga ito sa mga alegasyon sa impeachment complaint.
Ayon sa House prosecution panel, makatutulong ang mga financial records upang higit na mabigyang-linaw ang mga isyung nakapaloob sa kaso laban sa Bise Presidente.










