Pinag-aaralan ng House prosecution panel ang posibilidad na magharap ng mga tinatawag na hostile witnesses sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado.

Ayon kay 1-Rider Party-list Representative at House prosecutor Ramon Rodrigo Gutierrez, posibleng gamitin ang naturang hakbang dahil pinapayagan ito sa ilalim ng Senate rules at rules of evidence.

Sinabi naman ni Manila 3rd District Representative at House prosecutor Joel Chua na hindi pa maaaring ilahad ang kanilang legal strategy, ngunit kinumpirmang may ilang personalidad na kanilang ikinokonsidera bilang hostile witnesses na may malapit na ugnayan sa bise presidente.

Tinatayang tatlo hanggang apat na witnesses ang pinag-aaralan ng prosecution panel habang patuloy pa rin ang pagbeberipika sa mga ito bago ang pre-trial.

Ayon pa kay Rep. Chua, itinakda sa Hunyo 15 ang pre-trial kung saan tatalakayin ang stipulation of facts, pagmamarka ng ebidensya, at pagdetermina sa bilang ng mga testigo.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, hindi pa rin pinal ang listahan ng private prosecutors, ngunit kinumpirma ng panel na kabilang si abogado Lorna Kapunan sa tumutulong sa lahat ng articles ng impeachment complaint.