
Sisimulan na sa susunod na Linggo ang pamamahagi ng Household Identification card sa bawat household sa Tuguegarao City.
Ayon kay Melvin Perez, head ng City Social Welfare Development Office ng Tuguegarao, magsisilbing pilot area sa pamamahagi ng ID ang Barangay Centro 7 sa June 13, 2026 habang isusunod ang ibang barangay o hanggat matapos ang isinasagawang profiling.
Sinabi ni Perez na layon ng bagong Household ID System sa inisyatibo ni Mayor Maila Ting-Que na makabuo ng kumpleto at tamang talaan ng lahat ng residente upang mapaganda ang paghahatid ng mga serbisyo at tulong-pinansyal tulad ng ayuda at rice subsidy.
Sisiguraduhin nito na mga lehitimong residente lamang ang makatatanggap ng benepisyo, at maiiwasan ang mga kaso ng pagdoble ng pagtanggap ng tulong at hindi patas na pagpili.
Dagdag pa ni Perez na bawat ID ay may QR code bilang panlaban sa pamemeke kung saan nakalagay sa harap ng card ang detalye ng head of the family, habang nasa likuran naman ang listahan ng mga miyembro ng pamilya at ang kani-kanilang sektor na kinabibilangan.
Target namang matapos ang pangangalap at pag-aayos ng datos mula sa mga kabahayan bago magtapos ang buwan ng Hunyo.
Ang naturang sistema ay magpapabilis sa pagkilala sa mga benepisyaryo, mawawaksi ang pagtanggap ng tulong ng mga hindi nakatira sa lungsod, at magiging mas madali ang pag-uulat at pagsusuri ng datos.
Hinimok naman ni Perez ang mga residente sa Lungsod na makipagtulungan at tiyakin na nakapagpa-profile upang hindi mapag-iwanan sa anumang tulong at serbisyong ilalaan para sa kanila.










