Inaprubahan ng parlamento ng Hungary ang panukalang batas upang manatiling miyembro ng International Criminal Court o ICC, na bumabaliktad sa naging desisyon ng dating administrasyon ni Viktor Orban noong 2025 na kumalas sa internasyonal na hukuman.

Nauna nang inanunsyo ng gobyerno ni Orban ang pagkalas ng Hungary sa ICC matapos sabihin na naging “political” umano ang korte.

Gayunman, ipinangako ni kasalukuyang Prime Minister Peter Magyar na ihihinto nito ang withdrawal process at pananatilihin ang bansa bilang miyembro ng ICC matapos nitong manalo sa parliamentary elections noong nakaraang buwan.

Itinatag ang ICC mahigit dalawang dekada na ang nakalipas upang litisin ang mga akusado ng war crimes, crimes against humanity, at genocide.

Noong Abril 2025, inanunsyo ng gobyerno ni Orban ang pagkalas sa ICC kasunod ng pagbisita sa Hungary ni Benjamin Netanyahu sa kabila ng arrest warrant na inilabas ng ICC laban dito.

-- ADVERTISEMENT --

Tumanggi noon ang Hungary na arestuhin si Netanyahu at tinawag na “brazen” o lantaran ang naturang warrant.

Nakasaad sa bagong batas na mahalagang manatili ang Hungary sa ICC para sa interes ng pandaigdigang kapayapaan, seguridad, at proteksyon ng karapatang pantao.

Binigyang-diin din sa batas na kinakailangang mapanagot sa internasyonal na hukuman ang mga responsable sa pinakamabibigat na pandaigdigang krimen.