Iginiit ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) na legal at may bisa ang isinagawang sesyon ng Senado noong Hunyo 3 sa gitna ng mga kuwestiyon hinggil sa pagkakaroon ng quorum.

Sa isang pahayag, sinabi ng IBP na nakabatay ang kanilang posisyon sa naging desisyon ng Korte Suprema sa kasong Avelino v. Cuenco noong 1949.

Ayon sa organisasyon, ang lahat ng aksyon, resolusyon at desisyong ginawa sa naturang sesyon, kabilang ang pagkakahalal kay Senador Sherwin Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore at ang pagtatalaga ng mga bagong pinuno ng komite, ay itinuturing na opisyal at may bisa.

Paliwanag ng IBP, sapat ang presensya ng 12 senador upang makabuo ng quorum dahil may dalawang miyembro ng Senado na hindi maituturing na available para gampanan ang kanilang tungkulin.

Kabilang dito sina Senador Jinggoy Estrada at Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, kaya 22 lamang ang itinuturing na available na miyembro ng Senado. Dahil dito, sapat ang 12 senador upang makabuo ng quorum.

-- ADVERTISEMENT --

Nag-ugat ang usapin matapos hindi dumalo sa plenary session ang Majority bloc na pinamumunuan ni Senate President Alan Peter Cayetano.

Gayunman, dumalo si Senador Francis “Chiz” Escudero at sumama sa 11 miyembro ng minorya upang mabuo ang kinakailangang quorum.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng kampo ni Gatchalian na ang quorum ay dapat ibatay sa bilang ng mga senador na may kakayahang gampanan ang kanilang mga tungkulin, alinsunod sa naging interpretasyon ng Korte Suprema.