Malugod na tinanggap ng Office of the Prosecutor (OTP) ng International Criminal Court (ICC) ang desisyon ng Pre-Trial Chamber I na ilantad sa publiko ang arrest warrant laban kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y extra judicial killings sa Pilipinas.

Ayon sa ICC, unang inilabas bilang kumpidensyal ang warrant noong Nobyembre 6, 2025 matapos magsumite ng aplikasyon ang prosecution noong Nobyembre 3, 2025. Gayunman, isinapubliko lamang ito ngayon dahil sa pagbabago ng mga pangyayari.

Batay sa mga ebidensyang iniharap ng Office of the Prosecutor, sinabi ng korte na may “reasonable grounds” upang paniwalaang may pananagutan si Dela Rosa sa kasong crimes against humanity partikular sa krimen ng pagpatay sa ilalim ng Rome Statute.

Tinukoy ng ICC na si Dela Rosa, bilang dating Davao City Police Director at kalauna’y hepe ng Philippine National Police (PNP), ay kabilang sa isang common plan mula Nobyembre 2011 hanggang Marso 2019 na may layuning patayin ang mga hinihinalang drug addicts.

Ayon pa sa korte, may sapat na batayan upang paniwalaang kasama si Dela Rosa at iba pang umano’y co-perpetrators, kabilang si dating Pangulong Rodrigo Duterte, sa mga pagpatay na naganap mula Hulyo 3, 2016 hanggang katapusan ng Abril 2018.

-- ADVERTISEMENT --

Nilinaw din ng ICC na ang mga kasong nabanggit ay bahagi lamang ng mas malawak na pattern ng umano’y mga krimen at maaari pang magdagdag ng iba pang insidente sa susunod na yugto ng imbestigasyon.

Sinabi ng Office of the Prosecutor na mahalagang hakbang ang arrest warrant laban kay Dela Rosa sa patuloy na paghahanap ng pananagutan kaugnay ng war on drugs campaign sa Pilipinas.

Nanawagan din ang ICC sa mga direktang saksi, partikular sa mga dati at kasalukuyang miyembro ng Philippine National Police, na magbigay ng impormasyon sa kanilang Witness Appeal portal.