
Iginiit ng Office of the Prosecutor ng International Criminal Court o ICC na kailangang manatiling nakadetine si dating Pangulong Rodrigo Duterte upang maiwasan umano ang posibilidad na maimpluwensiyahan o maabala ang mga testigo sa kaso.
Ayon kay Acting Prosecutor Mame Mandiaye Niang, walang pagbabagong magbibigay-daan para baguhin ang naunang utos sa detention ni Duterte. Sa halip, aniya, tumaas pa ang panganib na tumakas ito o makialam sa mga testigo.
Binanggit din ng prosekusyon ang karagdagang walong insidente sa mga kaso laban kay Duterte, gayundin ang listahan ng mga testigo na naglalaman ng kanilang mga pangalan at inaasahang testimonya.
Samantala, iginiit ng depensa na dapat munang maresolba ang fitness ni Duterte na humarap sa paglilitis bago suriin ang kanyang patuloy na pagkakadetine.
Ayon sa abogado nitong si Peter Haynes, nakaugnay ang usapin ng detention sa nakabinbing desisyon tungkol sa kanyang kalagayan para sa paglilitis. Nakatakda namang talakayin ang detention ni Duterte sa status conference ng ICC sa Setyembre 16.










