Tinanggihan ng International Criminal Court (ICC) ang kahilingan ng mga abogado ng mga biktima na gumamit ng Tagalog sa ilang bahagi ng kanilang pambungad na pahayag sa paglilitis laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Presiding Judge Joanna Korner, magpapakomplika at magpapalaki sa gastos ng paglilitis ang paggamit ng Tagalog dahil mangangailangan ito ng karagdagang pagsasalin.

Iginiit niyang dapat manatili sa Ingles ang mga pahayag alinsunod sa Rome Statute, na kumikilala sa Ingles at Pranses bilang mga opisyal na wika ng korte.

Ipinaliwanag naman ni Public Counsel for Victims Paolina Massidda na nais lamang nilang gamitin ang Tagalog sa loob ng 15 hanggang 20 minuto upang direktang sipiin ang mga salaysay ng mga biktima at mas maiparating ang kanilang karanasan.

Samantala, nagpahiwatig ang abogado ni Duterte na si Peter Haynes na nais din nitong magbigay ng pahayag sa pagsisimula ng paglilitis.

-- ADVERTISEMENT --