
Kinansela ng International Criminal Court (ICC) Trial Chamber III ang ikatlong status conference ng dating Pangulong Rodrigo Duterte na nakatakda sana sa July 14.
Ayon sa pahayag ng ICC, nagpasya ang Chamber dahil sa indikasyon ng mga partido at kalahok na wala silang partikular na bagay na kailangan bigyang-pansin sa bahaging ito ng paglilitis.
Ang susunod na status conference ay gaganapin sa September 16, Miyerkules, at nakatakda namang magsimula ang kanyang paglilitis sa November 30, Lunes.
Ang unang status conference ay idinaos noong May 27, kung saan itinakda ng Chamber ang pagbubukas ng paglilitis kay Duterte para sa crimes against humanity kaugnay ng mga alegasyong pagpatay noong siya ay Pangulo at alkalde ng Davao City. Nag-utos din ang Chamber ng muling pagsusuri sa kalusugan ni Duterte kung siya ay kayang humarap sa paglilitis.
Sa ikalawang status conference noong June 23, binalaan ng Trial Chamber ang mga partido sa kaso tungkol sa pagbibigay ng komento sa media hinggil sa mga paglilitis.
Si Duterte ay nahaharap sa mga kasong crimes against humanity dahil sa mga umano’y pagpatay noong siya ay Pangulo at alkalde ng Davao City.
Siya ay inaresto noong Marso 2025 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3. Ang dating opisyal ay kasalukuyang nakakulong sa ICC Detention Centre sa Scheveningen sa The Hague, Netherlands.
Samantala, pinagkalooban na rin ng ICC ang kahilingan ng mga prosecutor para sa mga materyales na nasa pangangalaga ng registry kaugnay ng kaso.









