Nagsumite ngayong araw, February 9, 2026, ang mga religious groups, pari, at mga abogado ng ikatlong impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte sa House of Representatives.

Ito ay kaugnay ng umano’y betrayal of public trust, graft and corruption, at maling paggamit ng hindi bababa sa ₱612 milyon na confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).

Ayon kay Atty. Amando Virgil Ligutan, abogado ng mga nagreklamo, nakabatay ang reklamo sa mga natuklasan ng House committee on good government and public accountability, pati na sa umano’y banta ni Duterte laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at iba pang paratang kaugnay ng iligal na pondo.

Giit ng mga complainant, bilang pinuno ng OVP at dating kalihim ng DepEd, si Duterte ang may huling pananagutan sa pag-apruba at paggamit ng confidential funds. Inilahad din sa reklamo na bigo umano ang bise presidente na maipaliwanag ang pagbili ng mga bagay na walang malinaw na kaugnayan sa confidential activities.

Inendorso ni House Deputy Minority Leader Leila de Lima ang ikatlong reklamo, iginiit na pinahihintulutan ng Konstitusyon ang pag-endorso ng higit sa isang impeachment complaint at may sapat umanong ebidensiya ang reklamo, kabilang ang COA findings at mga dokumentong isinumite sa mga pagdinig sa Kamara.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sinabi ni Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng legal team ni Duterte, na inaasahan na nila ang pagsasampa ng karagdagang reklamo at patuloy nilang tutugunan ito sa pamamagitan ng mga tamang prosesong konstitusyonal.

Sa ngayon, inaasahang dadaan ang ikatlong reklamo sa proseso ng Kamara upang matukoy kung ito ay may sapat na porma at substansiya bago umusad sa susunod na hakbang.