Pinaalis ng Israeli military ang ilang Palestinian families mula sa kanilang mga tahanan sa Qusra village sa occupied West Bank, ilang araw matapos kubkubin umano ng Israeli settlers ang tatlong bahay sa lugar.

Ayon sa mga residente, hinarangan ng mga settler ang mga bahay at pinutol ang suplay ng tubig at kuryente mula Linggo.

Sa isinagawang operasyon ng Israeli forces para paalisin ang mga settler, idineklara namang closed military zone ang bahagi ng Qusra at inutusang lisanin ng mga Palestinian ang kanilang mga tahanan.

Tinatayang 11 iba pang Palestinian households ang inabisuhang umalis.

Ayon sa ilang residente, pumasok ang mga sundalo sa kanilang mga bahay at kalaunan ay isinara ang buong lugar.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi rin ng Qusra mayor na ginagamit umano ng Israeli forces bilang barracks ang ilan sa mga bakanteng bahay.

Samantala, sinabi ng Israel Defense Forces o IDF na dalawang illegal outpost ang binuwag at isang Israeli ang dinakip. Iginiit naman ng Israeli military na layunin ng operasyon na protektahan ang mga residente.

Kinondena ni US Ambassador Mike Huckabee ang pangha-harass sa mga pamilyang Palestinian at tinawag itong isang “horrific act of terror.”

Ayon sa United Nations, nasa 3,800 Palestinian ang napaalis sa kanilang mga komunidad ngayong 2026 dahil sa settler violence, demolisyon at pagpapaalis sa mga tahanan.