
Nilinaw ng Department of Justice (DOJ) na wala itong iniutos sa National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay ng umano’y mga iregularidad sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games.
Ayon kay Justice Secretary Eric Vida, hindi siya nagbigay ng direktiba para sa naturang imbestigasyon dahil bahagi na ng mandato ng NBI ang magsagawa ng sariling imbestigasyon sa mga reklamong may sapat na batayan.
Tiniyak din ni Vida na nakabatay sa ebidensiya ang anumang imbestigasyong isasagawa, lalo na kung aabot na sa DOJ ang usapin para sa kaukulang aksyon.
Kaugnay naman ng timing ng imbestigasyon sa gitna ng nagpapatuloy na paglilitis ng Senate Impeachment Court laban kay Vice President Sara Duterte, sinabi ng kalihim na tuloy-tuloy lamang ang pagpapanagot sa mga maaaring may pananagutan at walang dapat ikabahala ang mga senator-judges.
Binigyang-diin din ni Vida na mahalagang timbangin ang mga ebidensiyang hawak ng mga awtoridad at ikumpara ang estado ng mga ito noon at sa kasalukuyan bago gumawa ng anumang hakbang.










