Nagbabala si Senadora Imee Marcos kaugnay sa umano’y mga plano para sa charter change o Cha-cha at posibleng pagpapalawig ng termino ng mga opisyal ng gobyerno.

Sa kanyang privilege speech nitong Lunes, nagpakita si Marcos ng video presentation na naglalaman umano ng mga impormasyon at pahayag tungkol sa planong Constitutional Assembly para amyendahan ang Konstitusyon.

Ayon sa video, umano’y may mga hakbang para pahabain hanggang 2031 ang termino ng mga incumbent officials, ibaba sa 35 taong gulang ang minimum age requirement para sa pangulo, at kanselahin ang 2028 presidential elections.

Dahil dito, agad tumutol si Senador Juan Miguel Zubiri at hiniling na tanggalin sa opisyal na rekord ng Senado ang ipinakitang video.

Tinawag ni Zubiri na propaganda ang naturang presentasyon at sinabing walang basehan ang mga paratang laban sa Senado.

-- ADVERTISEMENT --

Sumang-ayon din sa mosyon sina Senador JV Ejercito, Senador Francis Pangilinan, at Senadora Risa Hontiveros na nagsabing walang lugar ang fake news at disinformation sa Senado.

Samantala, kumontra naman si Senador Rodante Marcoleta sa mosyon na alisin ang video sa rekord.

Itinanggi rin nina dating Senate President Vicente Sotto III at Senador Panfilo Lacson ang pagkakadawit sa umano’y usapin ng Cha-cha at term extension.

Ayon kay Lacson, simpleng kuwentuhan lamang umano ang ibinahagi niya noon tungkol sa isyu at walang seryosong plano ukol dito.

Tinawag naman ni Senador Raffy Tulfo na “hao siao” o peke ang ipinakitang video at hiniling na huwag gamitin ang plenaryo para sa conspiracy theories.

Kalaunan, hiniling ni Senate President Alan Peter Cayetano kay Marcos na kusa na lamang bawiin ang video mula sa opisyal na rekord ng Senado, na kalaunan ay sinang-ayunan naman ng senadora.

Kasunod nito, binawi rin ni Zubiri ang kanyang mosyon.