
Isang 39-anyos na ina sa Nagekeo, East Nusa Tenggara, Indonesia ang sumailalim sa emergency caesarean section habang niyanig ng magnitude 7.7 na lindol at mga aftershocks ang lugar.
Dalawang buwan na premature ang kanyang panganganak dahil sa komplikadong pagbubuntis. Isinagawa ng mga doktor ang operasyon habang nawawalan ng kuryente at gumagamit ng flashlight, habang patuloy na umuuga ang gusali ng ospital.
Ligtas na naisilang ang kanyang anak na si Gempita na tumitimbang lamang ng 1.3 kilo. Ipinangalan ito sa salitang Indonesian na “gempa,” na nangangahulugang lindol. Patuloy na mino-monitor ang sanggol sa incubator na inilagay sa evacuation tent.
Samantala, umabot na sa 54 ang nasawi sa East Nusa Tenggara dahil sa lindol, habang patuloy ang search and rescue operations at pamamahagi ng tulong sa mga residenteng nawalan ng tirahan.










