
Inihayag ng Iglesia Ni Cristo (INC) na ililipat nito ang pagpapatuloy ng kanilang kilos-protesta sa Liwasang Bonifacio sa Maynila ngayong Hulyo 2, matapos bawiin ng Pamahalaang Lungsod ng Quezon City ang extension ng permit para sa pagtitipon sa EDSA-White Plains.
Matapos ang itinakdang programa nitong Miyerkules ng gabi, hinikayat ng mga organizer ang mga dumalo na linisin ang lugar at dalhin ang kanilang mga basura bago umalis.
Ayon sa isang ministro ng INC, napiling ilipat ang pagtitipon sa Liwasang Bonifacio dahil hindi na kinakailangan ng permit upang magsagawa ng programa roon, bilang bahagi ng paggamit ng kanilang karapatang magpahayag.
Samantala, sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Police Major General Anthony Aberin na magpapakalat sila ng paunang 1,000 pulis sa Liwasang Bonifacio upang tiyakin ang seguridad ng mga kalahok at ng publiko.
Maaari pa aniyang madagdagan ang bilang ng mga pulis depende sa dami ng dadalo, habang nananatiling nasa full alert status ang kapulisan, kabilang ang mga naka-deploy sa paligid ng Malacañang.










