
Sinabi ng isang testigo mula sa Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan na ang tatlong indibidwal na nagbigay ng ₱75 milyon kay dating Sagip party-list Rep. Rodante Marcoleta ay naglaan umano ng pera para suportahan ang kanyang posibleng kandidatura sa Senado noong 2025.
Sa pagdinig sa kanyang petition for bail, binasa ni Field Investigation Bureau Director Maria Melinda Mananghaya-Henson ang Deed of Donation nina Michael Defensor, Joseph Varias Espiritu at Aristotle Baluyut Viray.
Ayon sa dokumento, ibinigay ang pera kay Marcoleta bilang suporta sa kanyang posibleng kandidatura sa May 12, 2025 elections.
Sina Defensor, Espiritu at Viray ay kapwa akusado ni Marcoleta sa ₱75-milyong plunder case, kaugnay ng umano’y hindi niya pagdedeklara sa naturang halaga sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures o SOCE.
Sa parehong pagdinig, ipinalabas din ang video kung saan sinabi ni Marcoleta na hindi niya idineklara ang ₱75 milyon dahil ayaw niyang ibunyag ang pagkakakilanlan ng mga nagbigay ng pera.
Ayon naman sa Ombudsman, may matibay umanong ebidensya na naging basehan sa pagsasampa ng kaso.









