
Posibleng umabot sa 7 porsiyento ang inflation ngayong Hunyo, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP.
Tinataya ng BSP na nasa pagitan ng 6 hanggang 7 porsiyento ang inflation rate ngayong buwan, mas mataas kumpara sa 6.8 porsiyento na naitala noong Mayo.
Ayon sa BSP, pangunahing dahilan ng posibleng pagtaas ng inflation ang mas mataas na singil sa kuryente at pagmahal ng presyo ng mga gulay, bagama’t bahagyang napipigil ito ng pagbaba ng presyo ng langis, bigas at karne.
Sinabi ng BSP na patuloy nitong babantayan ang galaw ng inflation at iba pang salik na maaaring makaapekto sa ekonomiya, kabilang ang mga kaganapan sa Gitnang Silangan.









