
Posible pang magpatupad ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng panibagong pagtaas sa interest rates matapos sabihin ni BSP Governor Eli Remolona Jr. na kaya pa itong saluhin ng ekonomiya ng bansa sa kabila ng dalawang naunang rate hike ngayong taon.
Ayon kay Remolona, nananatiling matatag ang economic fundamentals ng Pilipinas kahit bumagal ang paglago ng ekonomiya.
Aniya, mahalagang maipagpatuloy ang mga hakbang upang mapigilan ang pagtaas ng inflation, mapanatili ang katatagan ng presyo ng mga bilihin, at mabawasan ang kahirapan at hindi pagkakapantay-pantay sa bansa.
Matatandaang dalawang beses nang nagtaas ng interest rates ang BSP ngayong taon, dahilan upang umabot sa 4.75% ang benchmark policy rate.
Samantala, ibinaba naman ng Development Budget Coordination Committee ang growth target ng bansa sa 3.5% hanggang 4.5% para sa 2026 dahil sa patuloy na hamon ng mataas na inflation at pagbagal ng ekonomiya.









