Nilinaw ni National Food Authority (NFA) Cagayan Manager Elmer Regindin na may proseso at limitasyon sa pagbili ng ahensya ng palay sa mga magsasaka.

Sinabi ni Regindin, boluntaryo nilang nilimitahan ito sa 100 sako bawat magsasaka upang mas marami ang mapagsilbihan, bagamat pinahihintulutan silang bumili ng hanggang 200 sako kada magsasaka.

Kaugnay ito sa reklamo ng isang grupo ng magsasaka mula sa bayan ng Amulung, Cagayan laban sa umanoy hindi patas na pagtanggap ng palay sa mga bodega ng NFA.

Ayon sa mga magsasaka, ilang beses silang nagtungo sa bodega matapos malaman na magsasara na ang pagtanggap ng palay noong Mayo, ngunit napansin nilang patuloy pa ring tumatanggap ng delivery ang NFA kahit lumipas na ang itinakdang petsa.

Nakatanggap umano sila ng rejection dahil sa kakulangan ng schedule at limitadong kapasidad ng bodega, subalit nagtaka sila nang malamang may ibang mga magsasaka na patuloy na nakakapagpasok ng kanilang produkto.

-- ADVERTISEMENT --

Inilahad pa ng ilang magsasaka na nakapagbenta lamang sila sa bodega nang gumamit ng ibang pangalan o sa pamamagitan ng ibang tao na ikinadismaya nila dahil lumalabas na hindi patas ang pagpapatupad ng mga patakaran.

Kaugnay nito, hiniling ng mga magsasaka ang mas malinaw at patas na sistema upang matiyak na lahat ng kwalipikadong magsasaka ay mabibigyan ng pagkakataong makapagbenta ng kanilang ani sa NFA.

Gayunman, sinabi ni Regindin na posibleng nagkaroon lamang ng hindi pagkakaunawaan sa schedule dahil mabilis na napuno ang mga bodega noong Abril bunsod ng pagdami ng mga magsasakang nais magbenta ng kanilang ani, kung kayat ang mga schedule ay naiproseso hanggang Mayo at maging sa unang bahagi ng Hunyo.

Binigyang-diin din ni Regindin na bukas sa publiko ang kanilang listahan ng mga naka-schedule na magsasaka upang matiyak ang transparency sa kanilang operasyon.

Dagdag pa niya, pangunahing requirement ang RSBSA Certificate na ini-isyu ng Municipal Agriculture Office at wala umanong kapangyarihan ang NFA na tukuyin kung lehitimong magsasaka ang isang indibidwal dahil responsibilidad ito ng mga municipal agriculture office.

Nanawagan si Regindin sa mga magsasaka na huwag ipagamit o ipahiram ang kanilang RSBSA sa iba kapalit ng maliit na halaga dahil maaari itong magamit ng mga trader o ibang personalidad na nais makalusot sa sistema.