Nadagdagan pa ang mga lugar sa lalawigan ng Cagayan na apektado ng sakit ng baboy na African Swine Fever (ASF).

Ayon kay Provincial Veterinarian Dr. Noli Buen, pinakahuling naidagdag sa listahan ang bayan ng Iguig at Allacapan na may tig-isang kaso dahilan upang pitong bayan na sa lalawigan ang apektado ng virus na kinabibilangan ng Piat, Solana, Rizal, Lasam at Tuguegarao.

Dahil dito, humingi na ng karagdagang tauhan ang PVET kay Governor Edgar Aglipay para mapalakas ang pagbabantay sa mga provincial checkpoints laban sa pagkalat ng virus.

Sinabi ni Buen na may ilang lugar na wala pang nakatalagang provincial personnel sa mga checkpoint kaya pansamantalang umaasa sa mga tauhan ng mga lokal na pamahalaan habang hinihintay ang karagdagang suporta mula sa probinsya.

Samantala, naghahanda na rin ang pamahalaang panlalawigan ng paunang ayuda para sa mga hog raiser na naapektuhan ng mga kumpirmadong kaso ng ASF.

-- ADVERTISEMENT --

Inihahanda na ang payroll para sa mga kwalipikadong benepisyaryo, habang hinihintay ang mga kinakailangang dokumento mula sa mga munisipalidad bilang batayan sa pagbibigay ng tulong.

Wala pa namang pinal na datos ang tanggapan sa kabuuang pinsala sa industriya ng baboy dahil patuloy pa ang pagtatala ng mga apektadong alagang baboy.

Sa kabila nito, sinabi ni Buen na nananatiling sapat ang suplay ng baboy sa Cagayan, bagamat maaaring maapektuhan ang presyo dahil sa ilang hog raiser na nagbebenta ng kanilang mga alaga sa mas mababang halaga bunsod ng pangamba sa ASF.

Pinayuhan naman ang mga mamimili na bumili lamang ng karne ng baboy sa mga lehitimong puwesto sa palengke na dumaan sa tamang inspeksiyon.

Hinikayat din ang mga hog raiser na higpitan ang biosecurity sa kanilang mga kulungan, panatilihin ang kalinisan at agad iulat sa mga opisyal ng barangay ang anumang kahina-hinalang pagbabago sa kondisyon ng kanilang mga alaga.