
Narekober na ng mga rescuer at diver ang katawan ng pitong taong gulang na batang lalaki na nalunod sa ilog sa Barangay Poblacion, Baggao, Cagayan.
Ayon kay Narciso Corpuz, head ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO)-Baggao, bago mag-alas-singko ng hapon ng October 14 nang matagpuan ang katawan ng biktima na palutang-lutang sa ilog sa bahagi ng Barangay Ibulo.
Isang mangingisda ang nakakita sa biktima na tubong Pinukpok, Kalinga at kasalukuyang nakatira sa Barangay Masical, Baggao.
Paliwanag ni Corpuz, nakatulong sa paghahanap ang pag-aalis ng mga rescuer sa mga naipong kahoy at iba pang sagabal sa paligid ng tulay na ginagawa sa Poblacion-Bagunot Bridge.
Matapos marekober, inilagay sa cadaver bag ang katawan ng biktima at dinala sa ospital, alinsunod sa kahilingan ng mga magulang at kaanak nito.
Matatandaang nahirapan ang mga rescuer sa search and retrieval operation kaya nagsanib-puwersa ang mga diver ng Philippine Coast Guard-Aparri, MDRRMO-Baggao, MDRRMO-Alcala, Kalinga PDRRMO, at mga kinatawan ng Barangay Masical at Barangay Poblacion upang mahanap ang bata.










