
Nasabat ng mga tauhan ng Municipal Agriculture Office (MAO) ng Baggao, Cagayan ang tatlong karton ng karne ng baboy na tinatayang nagkakahalaga ng P8,000 sa isang checkpoint sa Barangay Mocag Baggao nitong Martes, Oktubre 13.
Ayon kay Baggao Municipal Agriculturist Ghiner Manding, sakay ng isang pampasaherong van mula Tuguegarao City ang mga nakumpiskang karne na umano’y nakatakdang ihatid sa mga kainan sa Barangay San Jose, Baggao.
Dagdag pa nito, dati umanong gumagamit ng motorsiklo ang driver mula Tuguegarao sa pagdadala ng karne ng baboy na walang kaukulang dokumento.
Kalaunan, gumamit na umano ng pampasaherong van sa pagbiyahe ng mga ito.
Tinataya namang nasa 30.9 kilo ang kabuuang bigat ng mga karne na nasabat dahil sa kawalan ng mga kinakailangang dokumento, kabilang ang Certificate of Meat Inspection.
Paliwanag ni Manding, nakatanggap na sila ng impormasyon hinggil sa posibleng paggamit ng mga van at iba pang sasakyan sa pagdadala ng karne ng baboy na walang kaukulang papeles, kaya pinaigting nila ang pagbabantay sa mga checkpoint.
Agad namang isinailalim sa tamang disposal ang mga nakumpiskang karne bilang pag-iingat laban sa posibleng pagkalat ng African swine fever (ASF).
Samantala, sinabi ni Manding na maaaring patawan ng multa ang mahuhuling lalabag sa umiiral na regulasyon, habang patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan ng may-ari ng mga karne upang matukoy ang maaari nitong kaharapin na pananagutan.
Muling pinaalalahanan ng MAO ang publiko na tiyaking kumpleto ang mga kinakailangang dokumento bago magpasok o magbiyahe ng karne ng baboy upang makatulong sa pagpigil sa pagkalat ng ASF at maprotektahan ang kabuhayan ng mga lokal na mag-aalaga ng baboy.










