Iginiit ng chief negotiator ng Iran nitong Linggo na hindi papayag ang Tehran sa anumang kasunduan sa Estados Unidos hangga’t hindi ganap na natitiyak ang karapatan ng mga Iranian, kasunod ng ulat na nagpadala umano ang Washington ng mas mahigpit na panukalang peace deal.

Ayon kay Mohammad Bagher Ghalibaf, na ipinalabas sa state television, hindi aaprubahan ng Iran ang anumang kasunduan hangga’t hindi nasisiguro ang karapatan ng mamamayang Iranian.

Batay sa ulat ng New York Times at Axios, nagpadala umano si dating US President Donald Trump ng bagong framework na may mas mahigpit na kondisyon para pag-aralan ng Iran, bagaman hindi pa malinaw ang detalye nito.

Giit ni Trump sa isang panayam, pangunahing layunin ng US na pigilan ang Iran sa pagbuo ng nuclear weapons at muling buksan ang Strait of Hormuz.

Sinabi naman ng Iran na kailangan muna nitong mapalaya ang nasa 12 bilyong dolyar na frozen assets bago pumasok sa mas malalim na negosasyon, at itinangging totoo ang mga naunang pahayag tungkol sa uranium stockpile nito.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, patuloy din ang tensyon sa Middle East kasabay ng mga ulat ng panibagong operasyon ng Israel sa southern Lebanon laban sa Hezbollah, at mga akusasyon ng magkabilang panig ng paglabag sa umiiral na tigil-putukan.

Sa kabila nito, nagpapatuloy pa rin ang diplomasya sa pagitan ng US at Iran habang sinusubukang maresolba ang isyu sa Strait of Hormuz na mahalagang daluyan ng pandaigdigang suplay ng langis.