Muling isinara ng Iran ang Strait of Hormuz matapos ang malawakang pag-atake ng Israel sa Lebanon na ikinamatay ng mahigit 200 katao.

Ayon sa Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) ng Iran, itinigil ang shipping sa nasabing mahalagang ruta ilang minuto matapos ang airstrikes.

Tinawag naman ito ng White House na hindi katanggap-tanggap.

Binigyang-diin ni Mohammad Bagher Ghalibaf, Parliament Speaker at lead negotiator ng Iran sa negosasyon sa US sa Pakistan na hindi na makatwiran ipagpatuloy ang negosasyon sa Estados Unidos dahil sa umano’y paglabag sa ceasefire.

Binanggit niya ang tatlong dahilan:

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy na pag-atake sa Lebanon
Pagpasok umano ng drone sa airspace ng Iran
Pagtutol ng US sa karapatan ng Iran sa uranium enrichment

Dahil dito, nanganganib na tuluyang bumagsak ang tigil-putukan bago pa man magsimula ang pormal na usapan.

Iginiit naman ni US Vice President JD Vance na hindi kasama ang Lebanon sa ceasefire.

Samantala, iginiit naman ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na magpapatuloy ang Israel sa pag-atake laban sa Hezbollah.

Tumugon naman ang grupong Hezbollah sa pamamagitan ng pagpapakawala ng rockets patungong Israel.

Ayon sa United Nations, nakakagimbal ang lawak ng pinsala at pagkamatay ng mga tao sa patuloy na labanan sa pagitan ng Israel at Lebanon.

Dahil dito maraming bansa ang nanawagan na palawakin ang ceasefire upang isama ang Lebanon, upang maprotektahan ang mga sibilyan.