Umalis na ng Pilipinas ang isa pang co-accused sa plunder case ni dating House Speaker Martin Romualdez, ayon sa Bureau of Immigration o BI.

Kinilala ang naturang indibidwal na si Joselyn Serenio, na nakalabas umano ng bansa bago pa man maipalabas ang hold departure order o HDO laban sa mga akusado.

Ayon sa BI, nananatili naman sa Pilipinas ang isa pang co-accused na si Felicito Cristobal Guevarra.

Samantala, ang isa pang akusado na si dating mambabatas Zaldy Co ay matagal nang nasa ibang bansa matapos bumiyahe palabas ng Pilipinas noong Setyembre 2025.

Si Romualdez naman ay kasalukuyang nakadetine sa isang kulungan sa Quezon City at nitong mga nakaraang araw ay nag-plead na hindi guilty sa mga kasong isinampa laban sa kanya.

-- ADVERTISEMENT --

Iginiit ng BI na patuloy nitong ipatutupad ang mga hold departure order at magsasagawa ng nararapat na immigration measures alinsunod sa mandato nito.

Hindi naman inilabas ng ahensya ang detalye ng pag-alis ni Serenio, kabilang ang petsa at destinasyon, dahil sa mga probisyon ng Data Privacy Act.

Sina Romualdez at ang tatlo niyang co-accused ay nahaharap sa kasong plunder na may kaugnayan sa umano’y P7.4 bilyong halaga ng mga suhol, kuwestiyonableng budget insertions at paglalaan ng mga proyekto.