
Inihayag ni US President Donald Trump na nagkasundo ang Israel at Lebanon sa isang 10-araw na tigil-putukan, bagama’t wala pang kumpirmasyon kung sang-ayon dito ang grupong Hezbollah na suportado ng Iran.
Ayon kay Trump, nabuo ang kasunduan matapos ang magagandang pag-uusap nila ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu at Lebanese President Joseph Aoun. Naganap ito dalawang araw matapos magsagawa ng peace talks ang Israel at Lebanon sa Washington.
Sinabi ni Trump sa kanyang Truth Social account na nagkasundo ang dalawang lider na pormal na magsimula ang tigil-putukan alas-5 ng hapon, oras sa amerika, bilang hakbang tungo sa kapayapaan sa pagitan ng kanilang mga bansa.
Inatasan din umano ni Trump sina US Vice President JD Vance, Secretary of State Marco Rubio, at isang mataas na opisyal ng militar na si Dan Caine na makipagtulungan sa dalawang bansa upang makamit ang pangmatagalang kapayapaan.
Iginiit din ni Trump na ito na umano ang ika-10 digmaan na kanyang matutulungan na maresolba, bagama’t dati ay sinabi niyang walong digmaan pa lamang ang kanyang natapos.
Samantala, nagsimula ang tensyon nang sumali ang Hezbollah sa labanan bilang suporta sa Iran at nagpaputok ng mga rocket laban sa Israel. Mula noon, mahigit 2,000 katao na ang nasawi sa Lebanon dahil sa mga pag-atake ng Israel at higit isang milyong residente ang napilitang lumikas. Pinasok na rin ng Israeli ground forces ang katimugang bahagi ng bansa.









