Kinumpirma ng Israel na napatay nito si Izz al-Din al-Haddad, itinuturing na pinuno ng military wing ng Hamas, sa isang airstrike sa Gaza City noong Biyernes.

Ayon sa Israeli military, isinagawa ang tinawag nitong β€œprecise strike” sa Gaza City na ikinasawi rin ng asawa at anak ni Haddad.

Si Haddad umano ang pinaka-senior na lider ng Hamas na napatay ng Israel mula nang magsimula ang ceasefire na sinuportahan ng Estados Unidos noong Oktubre, na layuning itigil ang labanan sa pagitan ng dalawang panig.

Gayunman, sinabi ng Israel na patuloy pa rin ang kanilang operasyon sa Gaza sa kabila ng umiiral na kasunduan ng tigil-putukan.

Kinumpirma rin ng Hamas ang pagkamatay ni Haddad sa isang pahayag, at kinilala siya bilang mahalagang personalidad sa pamumuno ng mga operasyong militar ng grupo. Kasama niyang nasawi ang kanyang asawa at 19-anyos na anak na babae.

-- ADVERTISEMENT --

Isinagawa naman sa Al Aqsa Martyrs Mosque sa central Gaza ang isang sama-samang libing para kina Haddad at kanyang pamilya noong Sabado.

Patuloy ang tensyon sa rehiyon habang nananatiling palaisipan ang epekto ng mga bagong pag-atake sa umiiral na ceasefire agreement.